MANILA, Philippines — Handa na umanong ‘ikanta’ ng ilang suspek sa kaso ng missing sabungeros ang kanilang mastermind.
Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., ilan sa mga suspek na dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Biyernes sa Parañaque ang nagpahayag ng kanilang kahandaan na magbigay ng impormasyon hinggil sa umano’y utak ng pagdukot sa mga sabungero.
“There are some indications ‘yung iba willing na magsalita, but ayaw lang natin pangunahan. Hintayin na lang natin ang resulta, and anything that they will say is, of course, it needs the assistance of a lawyer para ito ay matatanggap sa korte,” ani Acorda.
Inaresto nitong Biyernes sa Parañaque ang mga suspek na sina Julie Patidongan, Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Roberto Matillano, Jr., Johnry Consolacion, at Gleer Codilla matapos ang dalawang buwang surveillance operation.
“Well, as of now, ‘yung mastermind tinitingnan natin and the pinaka-effective that could connect to the mastermind are the suspects mismo. So I am hoping sila magsasalita. May mga insinuations but nothing definite,” dagdag pa ni Acorda.
Naghain ng pormal na reklamo laban sa anim na security officers ang pamilya ng mga nawawalang sabungero na sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, and brothers James Baccay at Marlon Baccay.
Inihain noong Marso 18, 2022 ang six counts ng kidnapping at serious illegal detention laban sa anim na suspek.
Samantala, sinabi rin ni Acorda na posibleng maharap din sa reklamo ang mga may-ari ng mga bahay kung saan naaresto ang mga suspek dahil sa “obstruction of justice” kung mapatutunayan na pinatuloy nila ang mga suspek.