MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang hinihinalang tulak ng droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng awtoridad na nagresulta sa pagkakasabat ng P130,000 na halaga ng shabu, kamakalawa sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief PCol. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina Eligio Delos Reyes alyas Gio, 23 ng Judge Roldan St., Brgy. San Roque at John Albert De Guzman alyas Abet, 22 ng Sampaguita St., Brgy. Tanza.
Sa report na isinumite ni Cortes kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt. Genere Sanchez hinggil sa operasyon ng bentahan ng illegal na droga ni Delos Reyes.
Agad na bumuo ng team si Sanchez at bineripika ang impormasyon hanggang sa magpositibo.
Dito na ikinasa ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-3:42 ng madaling araw ang buy-bust operation sa Judge Roldan St., Brgy. San Roque kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon kay Delos Reyes ng P2,500 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ni Delos Reyes ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ng kanyang kasabwat na si De Guzman.
Nasamsam sa mga suspek ang humigit kumulang sa 20.28 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P137,904 at buy-bust money na P500 bill, kasama ang apat na pirasong P500 boodle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.