Ex-Vice mayor ng Valenzuela City, inaresto ng NBI
Inireklamo ng British National sa investment scam
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating bise-alkalde ng Valenzuela City makaraang reklamo ng isang British national sa pagtangay ng multi-milyong salapi sa isang investment scam, kahapon sa naturang siyudad.
Nakilala ang dinakip na dating bise alkalde ng Valenzuela City na si Evelyn ‘Jing’ Hernandez, 58, ng Consolacion St. Malina, Valenzuela City.
Siya ay inireklamo ni British national na si George Gorgiui na nag-invest para sa Bulacan airport project.
Sinabi na nasa P7 milyon na umano ang naibibigay niya kay Hernandez simula noong 2022. Ang alok sa kaniya ng suspek, mabibigyan siya ng P50 milyon na kita sa kada P3.5 milyon na kaniyang ii-invest, ngunit lumipas ang panahon ay walang naibibigay na kita sa kaniyang investment.
Sinabi ni NBI-AOTCD chief, Atty. Jerome Bomediano, na hindi umano inakala sa una ng dayuhan na lolokohin siya ng suspek dahil sa dati siyang bise-alkalde ng Valenzuela.
Depensa ni Hernandez, mayroon naman umano talagang negosyo ngunit naantala lamang dahil sa pagkabinbin din ng proyekto ng paliparan. Nainip lamang umano si Gorgiu na makuha ang kaniyang kita kaya siya ipinaaresto.
Ngunit ayon kay Bomediano, base sa kanilang imbestigasyon ay walang lisensya si Hernandez at ang sinasabing construction company na tumanggap ng investment.
Kaya payo niya sa mga aalukin ng mga investments, suriin muna ang ipinakikilalang kumpanya sa Securities and Exchange Commission kung lehitimo ito. Kung nagsagawa lamang umano ang dayuhan ng research sa internet, makikita niya na may mga dati nang kasong kinakaharap si Hernandez.
- Latest