Buwis sa Parañaque, puwede nang bayaran sa QR code
MANILA, Philippines — Mas pinadali pa ang pagbabayad ng sari-saring buwis sa Parañaque City sa paggamit ng QR code sa pamamagitan ng QRPh, ayon kay Mayor Eric Olivarez.
Sinabi ni Olivarez na sa pamamagitan ng QRPh, maaari nang bayaran ang mga business tax, real property tax at iba pang miscellaneous fees sa pamamagitan ng pag-access sa QR code. Ginawa ito ng lokal na pamahalaan para mapadali ang proseso para sa mga taxpayers.
Ilan pa sa mga inobasyon na ipinatutupad nila gamit ang digital technology ang Online Appointment System, Online Business Permit Application for New and Renewal, at Online Payment and Assessment, sa iallim ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ni Atty. Melanie Soriano-Malaya.
Parte rin ito ng pagsunod ng BPLO sa eGovernance programs ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business Law of 2018.
Ipinaliwanag naman ni Malaya na base sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular No. 1055 series of 2019 ukol sa pagpapatupad ng National Quick Response (QR) Code Standard, ang QRPh ay idinisenyo para gawing normal na ang paggamit ng QR code sa iba’t ibang transaksyon sa gobyerno.
Hinayaan ang ordinaryong QR code na ma-scan at masuri ng mga kalahok na bangko o EMI mobilesapp para sa paglilipat ng pondo at pagbabayad.
Nakipag-parner din ang Parañaque LGU sa Maya Philippines bilang isa sa kalahok na merchant banks sa paggamit ng QRPh. Ito rin ang nanguna sa paggamit ng digital platform kung saan magagamit ng mga kustomer para sa serbisyo ng lokal na pamahalaan at upang hindi na pisikal na pumunta ng city hall.
- Latest