MANILA, Philippines — Isasailalim muna sa pagrepaso ng Committee on Disposition of Administrative Cases ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS) na sibakin sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa pagkakapatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas at ang pagkakasangkot ng Imus police sa ginawang pagransack sa bahay ng isang dating grupo sa Cavite kamakailan.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief PCol. Jean Fajardo na nagsabing kailangang sumailalim sa due process ang lahat dahil sa sisilipin ng komite kung nasunod ang proseso, kung tama ang mga dokumento, at kung nabigyan ng pagkakataon ang mga respondent ibigay ang kanilang panig sa kaso..
“Kailangan natin pag-aralan kung tama ba ‘yung kaso, dumaan ba sa proseso, nasunod ba ang due process kasi ayaw natin na later on may mga cases kasi tayo before na eto ‘yung decision, inaffirm natin and later on nabaligtad dahil we failed to observe yung due process” ani Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na kailangan na maging konkreto sa bawat aspeto upang maiwasan na mabaligtad ang kaso.
Ito rin ang kanilang nais mangyari sa kaso ng mga pulis sa Imus, Cavite.
Sakaling matapos ang review ng Committee on Disposition of Administrative Cases, saka ito isusumite kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. para sa kanyang pinal na desisyon.
Batay aniya sa disciplinary mechanism ng PNP, sa loob ng 60 araw kailangan maresolba ang administrative cases na inihain laban sa pulis na sangkot. Pero nilinaw naman ng opisyal na kahit nakapaglabas na ng final decision si Acorda, karapatan aniya ng mga sangkot na pulis o sinumang respondent na maghain ng motion for reconsideration.