MANILA, Philippines — Namahagi ng P5,000 cash assistance ang Caloocan City government sa mga rice retailers, bilang dagdag ayuda sa ipinamahaging P15,000 ng national government.
Sinimulan ng Caloocan LGU ang pamamahagi ng ayuda sa Maypajo Public Market.
Ayon kay City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang P5,000 ayuda ay una na niyang ipinangako sa mga negosyanteng maapektuhan ng implementasyon ng EO 39 at handa pa rin silang magbigay ng dagdag na tulong kung kinakailangan.
Una nang nagbigay ng P15,000 ang national government sa mga rice retailers upang hindi lubusang malugi habang ipinatutupad ang Market Price Cap.
“Asahan niyo po na hangga’t epektibo ang MPC, patuloy nating titiyakin na protektado ang karapatan ng mga mamimili kasabay ng pangangalaga rin sa interes ng mga lokal na negosyo,” ani Malapitan.
Umapela rin si Malapitan na makapagpasa ng ordinansa ang konseho na naglalayon tanggalin ang bayad sa renta sa puwesto ng mga negosyante na malaking tipid habang ipinatutupad ang MPC sa merkado.
Ayon sa mga rice retailers, naniniwala sila na ang naging desisyon ni Pangulong Marcos ay makakatulong upang maiwasan na ang hoarding, smuggling at profiteering sa bigas.