Lalaki dawit sa modus ng ‘kidney-for-sale’, timbog

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City dahil sa tangkang pagbili ng kidney ng isang biktima na nakilala niya sa social media.

Hindi na nakapalag ang suspek na inisyal na kinilalang si John Gabriel, nang arestuhin ng mga tauhan ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division sa loob ng isang kainan sa Quezon City kamakalawa.

Ayon kay NBI-AOTCD chief, Atty. Jerome Bomediano, nadiskubre nila ang bentahan ng kidney sa Facebook nang ma-monitor ang usapan ng suspek at biktima. Dito isang ahente ang nagpanggap na kliyente na nangangailangan ng kidney para sa kaniyang kaanak. Timbog ang suspek nang tumanggap ng marked money buhat sa naturang ahente.

Sa salaysay ng biktima na kinilala sa alyas Carlo, nakilala niya ang suspek sa Facebook at na-engganyo na ibenta ang isa niyang kidney para may pambayad siya sa utang sa inuupahan niyang bahay at mga bills sa kuryente at tubig.

Pinangakuan umano siya ng suspek na babayaran ng P250,000 at lalo pang na-engganyo nang sabihan siya na bibigyan pa siya ng allowance habang nagpapagaling mula sa operasyon.

Depensa naman ni Gabriel, unang pagkakataon pa lang umano niya na gawin ang pagbili ng kidney at ito ay para may maipampagamot sa kaniyang ina na nagda-dialysis.

Ngunit ayon kay Bomediano, hinala nila ay miyembro ng isang organisadong sindikato ang suspek base sa mga mensahe na natagpuan nila sa cellular phone niya kung saan nakita na marami siyang kausap at mga kliyente.

Nakaditine ngayon ang suspek sa NBI Custodial Facility at nahaharap sa kasong human trafficking at Cybercrime Prevention Act.

Show comments