MANILA, Philippines — Ibinasura ng Quezon City prosecutors Office ang isinampang kaso laban sa dalawang empleyado ng Quezon City hall matapos mapatunayang walang basehan para maidiin ang mga ito sa reklamong direct bribery at paglabag sa Republic act of 11032 o Ease of Doing Business and efficient Government Service Delivery.
Ang kaso ay nag -ugat sa reklamo ng isang Anthony Stephen Monteiro laban kina Ulyssses Dela Cruz at Shaine Ann Marie Cabuang ng QC Treasurers Office nang mag-aplay noong April 18, 2023 si Monteiro ng Certificate of Retirement of Business sa QC Treasurers Office at si Dela Cruz ang nag-evaluate ng mga papeles nito.
Humingi ng discount si Monteiro sa babayaran dito at sinabihan ito ni Dela Cruz na magbayad ng halagang P50,000 at sinabing ibigay ang bayad kay Cabuang.
Dahil hindi naibaba ang babayaran, nagreklamo naman si Monteiro sa E-Sumbong kayat agad nagsagawa ng entrapment operation ang QCPD Kamuning Police Station laban kay Dela Cruz at ng ibinibigay ni Monteiro ang naturang halaga kay Dela Cruz pero hindi nito tinanggap ang bayad at sinabing ibigay ito kay Cabuang.
Habang binibilang na ni Cabuang ang bayad gamit ang money counting machine ay natuklaran nito na ang pera ay peke sabay aresto at sinampahan ng naturang mga kaso.
Napatunayan naman ng Prosecutors Office na walang sapat na batayan upang ang dalawang QC hall employees ay madiin sa naturang mga kaso.
Kaugnay nito, sinabi ni City Treasurer Edgar Villanueva na nang malaman ang insidente ay agad niyang sinuspinde sa trabaho ang dalawa upang bigyang daan ang imbestigasyon sa kaso. Anya, simula’t sapul ay naniniwala siyang walang kasalan ang dalawang tauhan dahil mahigpit ang kanyang kampanya laban sa korapsiyon sa kanyang tanggapan.