8 bahay sa Valenzuela City, gumuho
Dahil sa patuloy na pag-ulan
MANILA, Philippines — Bunsod ng sunud-sunod na pag-ulan, walong bahay sa Valenzuela City ang gumuho kahapon ng umaga.
Sa report ng Valenzuela City government, nangyari ang pagguho dakong alas-10 ng umaga sa S. Feliciano St. Mapulang Lupa at Ugong, Valenzuela.
Nabatid na 17 pamilya o 70 indibiduwal ang nawalan ng tirahan sa Mapulang Lupa habang 11 pamilya o 43 katao ang naapektuhan sa Ugong dahil sa pagguho ng kanilang mga bahay.
Ayon sa report ng Office of the Building Official, lumilitaw na lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga bahay dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng bagyong Goring at Hanna.
Agad namang dinala ang mga naapektuhang pamilya sa mga evacuation sites sa 3S Center Mapulang Lupa at sa old Barangay Hall ng Ugong.
Inaalam na rin ng City Social Welfare and Development Office ang mga pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya habang patuloy na nagsasagawa ng paglikas ang City Disaster Risk Reduction and Management Office and the City Engineering Office.
Tiniyak naman ni Mayor Wes Gatchalian na mabibigyan ng sapat na pagkain at tulong ang mga indibiduwal na nawalan ng bahay.
- Latest