Mahigpit na inspeksyon sa mga negosyo sa residential areas, iniutos ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Mariing ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Business Permits and Licensing Department (BPLD), Department of Building Official (DBO), Zoning Administration Unit, at sa Quezon City Fire District (QCFD) ang malalimang pagbusisi sa mga negosyo na nasa loob ng mga subdibisyon at ibang residential areas sa Quezon City.
Ang hakbang ay ginawa ng alkalde nang maganap ang malagim na sunog sa loob ng Pleasant View Subdivision, sa Brgy. Tandang Sora nang ang isang residence-turned-manufacturing building ay lamunin ng apoy na nagresulta ng pagkamatay ng 15 katao kasama dito ang tatlong gulang na bata.
“Ang trahedyang ito ay naiwasan sana kung walang palusot at panlilinlang na nangyari. Buhay ang naging kapalit ng hindi tamang pagsunod sa ating mga batas at regulasyon. Hindi natin ito hahayaang maulit. Mananagot ang dapat managot, at isasara natin ang dapat isarang negosyo na hindi sumusunod sa tama,” babala ni Belmonte.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang 200 square meter-building ay ginamit na t-shirt printing house malayo sa naideklarang 15 square meter na negosyo para sa ready to wear clothes, garments, at bags na naiprisinta sa BPLD nang mag-aplay dito ng Business Permit.
Ayon sa DBO, ang gusali ay walang building permit na nakapangalan sa may-ari at address. Ang shop umano ay nakapangalan lamang sa “MGC Wearhouse Inc.” na naka- rehistro ang negosyo mula 2013.
Dahil sa automation at ease of doing business implementation sa QC, ang negosyo ay hindi maaaring mag -operare sa loob ng subdibisyon kayat pinalilipat ito ng lugar noong April 2023.
“Kalunos-lunos ‘yung nangyaring sunog na hindi mangyayari kung tama sana ang idineklarang negosyo ng korporasyon. Mas hihigpitan pa natin ‘yung proseso at assessment bago makakuha ng permit lalo na para sa mga negosyong nakatayo o itatayo sa loob ng subdivisions o high-density residential areas,” ayon pa kay Mayor Joy.
Nagbuo na rin ang City Legal Department ng isang Special Panel of Investigators na magsasagawa ng imbestigasyon sa insidente at oras na makakita ng paglabag sa batas ay agad na kakasuhan ang mga opisyales ng naturang kompanya.
Inatasan din ni Mayor Belmonte si Quezon City Attorney Niño Casimiro na bigyan ng legal assistance ang mga survivors at pamilya ng mga biktima laban sa MGC Wearhouse, Inc.
“Tinitingnan din natin ‘yung posibleng kamalian o pagkukulang ng government personnel na humahawak ng mga ganitong permit o dokumento. Kahit ang mga taga-lokal na pamahalaan, barangay at homeowner’s association, titingnan natin kung may kapabayaan. Imo-monitor na rin natin ‘yung mga negosyo na dumaraan sa mga Homeowners Association at mga barangay,”dagdag pa ni Belmonte.
Nagkakaloob naman ng tulong ang City’s Social Services Development Department sa mga pamilyang biktima ng sunog habang ang PNP-SOCO ay nagsasagawa ng sariling imbestigasyon sa insidente.
- Latest