MANILA, Philippines — Binubusisi ng Department of Building Official (DBO) at Business Permit and Licensing Department (BPLD) ng Quezon City government kung may sapat na permit at dokumento ang nasunog na bahay na ginawang t-shirt printing shop sa isang residential area sa Brgy. Tandang Sora na ikinamatay ng 16 katao kahapon ng umaga.
Kabilang sa aalamin ng naturang mga tangapan kung may nagawang paglabag sa National Building Code, Fire Code of the Philippines, zoning ordinance, business permit, occupancy permit at iba pang mga batas at ordinansa ang naturang negosyo.
“Nais naming tiyakin sa publiko, lalo na sa pamilya ng mga biktima, na bibigyang-prayoridad namin ang malalimang imbestigasyon upang mapanagot ang mga ahensya o indibidwal na nagkaroon ng pagkukulang na nagdulot ng insidenteng ito, kasabay ng pagpapatupad ng mga dagdag na hakbang at polisiya para maiwasang maulit ito sa hinaharap”, ayon sa press statement ng QC LGU.
Samantala, nakitaan naman ng BFP at ng QC LGU ng maraming paglabag ang naturang printing shop.
Kinumpirma naman ni Mayor Joy Belmonte walang building permit sa ilalim ng pangalan ng may-ari ng nasunog na bahay. Maging ang idineklara bilang ng empleyado ay hindi rin tumugma sa nasunog na printing shop.
Tanging barangay permit lang umano ang pinanghahawakan ng printing shop kaya hindi dapat ito nag-ooperate.
Una nang nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Q sa pamilya at kaanak ng mga biktima sa naganap na sunog.
Ayon sa Social Services Development Department (SSDD) na patuloy na inaalam ang mga mga kamag-anak ng mga nasawi para mabigyan ng karampatang tulong at anumang serbisyo na kinakailangan ng kanilang pamilya.