Sunog sa Quezon City: 11 sugatan, 200 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines — Sugatan ang 11 katao, kabilang ang limang bumbero, habang nasa 200 pamilya naman ang nawalan ng tahanan sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-9:00 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Adelfa Compound at Vargas Compound, sa Barangay Culiat, Quezon City, sa likod ng Montessori School.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing tahanan matapos na mahirapan ang mga pamatay-sunog na maabot ang pinagmulan ng sunog dahil sa rami ng mga residenteng nagsisilabasan ng kanilang mga tahanan at naubusan pa ng tubig.
“Nahirapang pasukin ng ating mga bumbero ang origin ng sunog po natin. Nahirapan din po tayo sa pagladlad ng fire hoses natin. Nakita natin sa rami ng mga kababayan na papalabas, kami naman ay papasok,” ayon kay Quezon City District Fire Marshal Fire Senior Superintendent Aristotle Banaga. “Source of water natin medyo mahina ang buga ng fire hydrant. Mayroon tayong dalawang nakuhanan ng tubig pero malayo ang lugar ng fire hydrant.”
Lalo pa anilang lumakas ang sunog nang magkaroon ng mga pagsabog, na maaaring mula sa mga tangke ng liquefied petroleum gas na nasa loob ng mga tahanan.
Sa pagtaya ng BFP, humigit kumulang sa 50 tahanan ang tinupok ng apoy na umabot sa ikalimang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-2:56 ng madaling araw kahapon.
Ayon naman sa mga opisyal ng barangay sa lugar, tinatayang aabot sa halos 200 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog.
Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.
- Latest