MANILA, Philippines — Ipatutupad na rin ng Caloocan local government ang Single Ticketing System (STS) alinsunod na rin sa napagkasunduan ng iba pang alkalde ng Kalakhang Maynila hinggil sa mga traffic viiolation.
Sa pagpapatupad ng bagong sistema, tumanggap ng 30 makabagong ticketing device ang mga tauhan ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) mula kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
Layon ng mga bagong ticketing device na ipinamahagi para sa North at South unit ng PSTMD na maging maayos at iisa ang sistema ng pagbibigay ng penalty sa local at national traffic regulations.
Apela ni Malapitan sa mga motorista na sundin ang mga traffic rules upang maiwasan ang aberya at anumang isyu sa pagitan ng motorista at mga traffic enforcers.
“Tulong-tulong po tayong lahat kasama ng PSTMD, City Treasury Department, pati na ang Caloocan City Police Station (CCPS) upang maayos na maipatupad ang STS sa ating lungsod,” ani Malapitan.
Naniniwala rin si Malapitan na sa bagong single ticketing system mababawasan ang corruption at pangingikil.