MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng AirAsia Philippines ang publiko laban sa scammers na nanggagamit ng brand at nag-aalok ng murang plane ticket.
Ayon sa airline, marami silang natanggap na report na may ilang indibidwal ang nagpapanggap na kinatawan ng AirAsia at nag-aalok sa publiko ng murang flights, tour packages, at iba pang tourism-related products.
Ilan din anilang Facebook groups ang gumagamit sa airline sa pag-promote ng kaduda-dudang online transactions tulad ng job offerings na nauuwi sa Phishing at iba pang uri ng online scams.
Pinaalalahanan din ni AirAsia Philippines Communications and Public Affairs Country Head First Officer Steve Dailisan na kung bibili sila ng plane tickets ay sa pamamagitan lamang ng kanilang AirAsia Superapp, sa kanilang website, o sa 850 na travel agencies ng airline.
Pinapayuhan din ni Dailisan ang publiko na kapag may mga grupo o indibidwal na nanghihingi sa kanila ng personal information o pera ay agad na i-report sa mga awtoridad.