Transport group, nag-walk out sa LTFRB hearing
Iba pang grupo humirit ng p1 taas-pasahe sa jeep
MANILA, Philippines — Nag-walk out kahapon ang transport group nang mairita sa rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagsabing magsumite na lamang ang mga ito ng pormal na petisyon sa halip na request letter sa ahensiya para sa jeepney fare hike.
“Umalis na kami. Nagpatawag ng hearing sa amin ang LTFRB para sa hiling naming jeepney fare hike, tapos sasabihin lamang sa amin na mag-formal petition kami”, sabi ni Ka Lando Marquez, national President ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP)
Sinabi ni Marquez na nagsumite na sila ng request letter sa LTFRB para sa P2 jeepney fare hike, dahil ito ay nakasaad sa LTFRB memorandum circular 2019-035 section 4 na nagtatakda ng automatic fare adjustment.
Anya kung may automatic fare adjustment, wala nang serye ng hearing ang gagawin ng LTFRB, bagkus ay magpapalabas na lamang ito ng desisyon para sa provisional increase sa kanilang request at wala ng matagal na panahon na gagawin para sa public hearing
“Tulad ngayon tumaas na naman ang presyo ng petrolyo, patuloy ang pagtaas, hihintayin pa ba natin na maging P10 ang oil price hike bago umaksyon ang LTFRB diyan e ngayon pa lang matindi na ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa amin? “dagdag ni Marquez.
Kahapon sa LTFRB hearing sa request na P2 fare hike ng jeepney group, inerekomenda ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na mag-submit ng formal petition para raw mas angkop ang proseso dito at mabalanse ang epekto ng oil price hike sa commuters.
“Bakit hindi kinikilala ni Chairman Guadiz ang memorandum circular 2019-035? aanuhin pa ang kabayo kung patay na ang damo.? Ang linaw ng memorandum nayan, hindi ba niya naiintindihan? Lupaypay na mga driver at operator sa epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina tapos gusto pa niya public hearing? E di kakain ng mahabang proseso ‘yan. Matagal ‘yan.”sabi ni Marquez.
Samantala, dahil walang aksyon ang LTFRB sa request ng ilang jeepney group na P2 fare hike sa passenger jeepney, agad nagsampa ng formal fare hike petition sa ahensiya ang jeepney group ng P1 provisional increase sa jeep sa Metro Manila.
Nakasaad sa petisyon ni Ka Obet Martin ng Pasang Masda, Boy Vargas ng ALTODAP at Liberty de Luna ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), nais nilang gawing P13 ang minimum na pasahe sa traditional public utility jeep o dagdag Piso sa pasahe at dagdag na P5 sa unang apat na kilometrong takbo ng sasakyan.
Sa ngayon ay P12 ang minimum pasahe sa traditional jeep.
Ang naturang petisyon ay rekomendasyon ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz sa transport group upang maging pormal umano ang hiling na taas pasahe sa jeep.
Sinabi ni Guadiz na kukunin din niya ang panig ng Commuters group hinggil dito upang maging patas ang gagawing desisyon sa taas pasahe sa jeep.
- Latest