Taguig at Makati, makikiisa sa transition committee ng DepEd
MANILA, Philippines — Parehong makikiisa at susunod ang mga Pamahalaang Lungsod ng Makati at Taguig sa pagbuo ng Department of Education (DepEd) ng transition committee para sa paglilipat ng hurisdiksyon sa 14 na pampublikong paaralan sa may Fort Bonifacio.
“We would like to thank Vice President and Secretary of Education, Sara Z. Duterte for taking a decisive role in the implementation of the final and executory Supreme Court decision,” ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Ang desisyon ni Vice President/Secretary Duterte na agad na magbuo ng Transition Committee na kabibilangan ng mga kinatawan sa dalawang lungsod na hindi na kailangan ng Writ of Execution, ay magbibigay wakas umano sa isyu at hahayaan ang dalawang panig na mag-move on na. Nagpahayag din si Makati City Mayor Abby Binay ng pagtanggap sa desisyon ni Duterte at nangako na makikipagtulungan din sa binuong transition team.
Sa pamamagitan ng DepEd Order 0123 series of 2023, na nakasaad ang pag-ipon sa lahat ng dokumento bilang prayoridad, umaasa umano ang Taguig na matatanggap lahat ng datos na hinihiling nila sa Makati para makapagbigay na rin ng kaukulang tulong ang kanilang lokal na pamahalaan sa mga apektadong guro at mag-aaral.
Samantala, wala namang nakikitang problema ang mga school principal ng 14 Enlisted Men’s Barrio (EMBO) schools na ngayon ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29 kasunod ng maayos na paglulunsad ng Brigada Eskuwela kung saan nakiisa ang mga estudyante, guro, mga magulang, alumni at iba pang external stakeholders.
Ayon kina Makati Science High School Principal Dr. Felix Bunagan at West Rembo Elementary School Principal Alma Adona naging matagumpay ang paglulunsad ng Brigada Eskuwela sa kanilang paaralan sa tulong na rin ni Mayor Cayetano.
Nagpaabot ng pasasalamat ang dalawang school principal kay Mayor Lani at sa Taguig volunteers sa naging suporta sa Brigada Eskwela na sinimulan noong Agosto 14 at magtatapos sa Agosto 19.
Sinabi ni Taguig-Pateros School’s Superintendent Dr. Cynthia Ayles na ang lahat ng 14 school officials ay may maayos na koordinasyon sa Taguig LGU noon pang Hulyo kaya walang dapat na ipangamba sa pagbubukas ng klase.
Nilinaw ng mga school principal na hangad din ng mga magulang ang maayos na transition patungo sa Taguig LGU.
Sa Taguig City umano ay hindi lamang libreng school supplies, uniforms at sapatos ang inilalaan sa mga estudyante kundi maging scholarships para sa lahat, mayroon itong ibinibigay na scholarship na P15,000 hanggang P110,000 para sa mga kumukuha ng vocational, 2-year o 4- year courses; kumukuha ng master’s at doctorate degrees at maging mga nagrerebyu sa board at bar exams.
Matatandaan na naglabas ang Supreme Court ng kautusan na naglilipat sa hurisdiksyon ng Taguig City ang 10 barangay sa Fort Bonifacio mula sa Makati.— Mer Layson
- Latest