Hepe ng Navotas PNP sibak sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo

A man pays his last respects to 17-year old Jerhode Jemboy Baltazar in his wake in Navotas City on August 11, 2023.
The STAR / Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Tinanggal na sa pwesto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Navotas police chief Col. Allan Umipig matapos ang "mali-maling" pagpatay ng kapulisan sa isang menor de edad.

Ito ang iniutos ni NCRPO director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. habang iniimbestigahan ang pagkamatay ni Jerhode Jemboy Baltazar, ayon sa ulat ng The STAR ngayong Miyerkules.

Ika-2 ng Agosto nang mapatay ng PNP Navotas ang 17-anyos na si Baltazar sa isang police operation, bagay na napatunayan kalaunan bilang kaso ng "mistaken identity."

Martes lang nang ipag-utos ng inspector general ng Philippine National Police Internal Affairs Service (IAS) na si Alfegar Triambulo ang pagsasampa ng kaso laban kay Umipig at 11 iba pa.

"Upon further investigation of the Internal Affairs Service (IAS), it has been discovered that the Navotas Chief of Police instructed the team leader of the operatives to exclude from their reports 11 police officers who were also involved in the fatal shooting of the 17-year-old Jerhode Jemboy Baltazar," sabi ng PNP IAS kahapon.

"Because of this, The Inspector General, ATTY ALFEGAR M TRIAMBULO, has directed charges of dishonesty and command responsibility against the Chief of Police."

 

 

Ayaw pang isapubliko ng PNP IAS ang pagkikilanlan ng 11 ibang police officers, at siyang sasampahan ng reklamong pag-abandona sa biktima atbp. posibleng paglabag sa police operational procedures.

Kasalukuyang nasa "summary dismissal stage" ang unang reklamong inihain sa anim na alagad ng batas kaugnay ng grave charges.

'Pinatay habang naka-off ang body cam'

Una nang ipinangako ni Brig. Gen. Redrico Maranan, public information officer ng PNP, na magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Baltazar.

Sinasabing may hinahabol na suspek ang kapulisan nang mangyari ang insidente na siyang inaakala nilang nagtatago noon sa isang bangka. Paliwanag ng PNP, napagkamalan nila si Jemboy nang bigla siyang tumalon sa tubig.

Aminado si Umipig na nakapatay ang body camera ng kapulisan nang pagbabarilin si Jemboy na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Umani ito nang matinding batikos mula sa publiko, dahilan para isulong ngayon ng mga mambabatas ang isang panukalang mag-oobliga sa mga pulis na gumamit ng body cameras sa lahat ng law enforcement operations. — may mga ulat mula kay The STAR/Manuel Tupas

Show comments