MANILA, Philippines — Isang siklista ang nasawi nang mabundol at masagasaan pa ng isang oil tanker sa Quezon City, kamakalawa.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Elmar Usacdin, 58, ng Brgy. Manresa, habang arestado naman ang driver ng oil tanker na si Jesus Diamante, 43, ng Brgy. Pinagkaisang Nayon, QC.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, dakong alas-12:15 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa panulukan ng Araneta Avenue at Quezon Avenue sa Quezon City.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang oil tanker na dahan-dahang lumiliko sa Araneta Avenue, mula sa Quezon Avenue, Brgy. Tatalon, nang mahagip nito at mabundol ang nagbibisikletang biktima.
Nakaladkad at nagulungan pa ng oil tanker ang biktima na kaagad na binawian ng buhay dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Hinabol naman ng mga rider ang suspek upang ipabatid na may nadisgrasya ito.
Ayon sa driver ng oil tanker, galing siya ng Bataan at magde-deliber sana ng langis sa isang gasolinahan sa Quezon City nang maganap ang aksidente.
Anang suspek, hindi raw niya nakita ang siklista kaya niya ito nabundol.
Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide sa piskalya.