MANILA, Philippines — Napuno ng bayanihan at puso ng pagkakaisa ang simula ng Brigada Eskwela ng pamahalaang lungsod ng Taguig at mga stakeholder ng edukasyon sa mga paaralang nasa pangangalaga ng lungsod ng Taguig sa mga EMBO barangays.
Mainit at masigla naman ang pagtanggap kay Mayor Lani Cayetano ng mga opisyal ng Kagawaran ng Edukasyon, mga principal ng paaralan, mga guro, mga estudyante, mga magulang at mga volunteer sa panimula ng programa.
Simula sa Makati Science High School, ang kick-off ceremony ng Brigada Eskwela ay naging matagumpay matapos magkaisa ang grupo ng mga boluntaryo, kabilang ang mga mula sa Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, pati na rin mga kinatawan mula sa iba’t ibang mga grupo at organisasyon sa mga barangay EMBO.
Binigyang diin ni Mayor Lani, isa sa mga advocates ng kahalagahan ng edukasyon sa pag-unlad ng komunidad, na mahalaga ang pagkakaisa upang makamit ang layunin ng Brigada Eskwela.
Dagdag pa ni Mayor Lani na pangako ng lokal na pamahalaan ng Taguig na suportahan ang mga paaralan sa mga EMBO barangay sa kanilang pagbubukas ng school year.
Siya ay humiling sa mga opisyal at miyembro ng General Parents Teachers Association na magkaroon ng pang-unawa at pasensya habang nagaganap ang transisyon o ang proseso ng paglipat, at ipinangako na makikipagtulungan siya nang malapit sa mga school head at opisyal ng division upang tugunan ang mga pangunahing alalahanin ng mga guro at estudyante.
Idinagdag niya na ang pamahalaang Taguig ay naghanda sa pag-prepare ng mga school kit na ipamamahagi sa mga mag-aaral sa lalong madaling panahon.