MANILA, Philippines — Bunsod ng sunud-sunod at pinaigting na anti-illegal drug operations, kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Caloocan City Police Station bilang Best Police Station for Anti-Drug Operations.
Kasama si Metro Manila Council and San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora at Philippine Drug Enforcement Agency-NCR (PDEA-NCR), personal na sinaksihan ni NCRPO chief PBrig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pagpaparangal kay Col. Ruben Lacuesta, hepe Caloocan City Police Station.
Nabatid na mula Mayo 2022 hanggang Hunyo 2023, nakakumpiska ng 70,000 gramo ng illegal drugs ang mga operatiba ni Lacuesta na umaabot sa P87 milyon.
Ayon kay Nartatez, indikasyon lamang ito na tuluy-tuloy ang kampanya ng PNP laban sa illegal drugs. Aniya, hindi nila hahayaang magpatuloy ang mga drug operations ng mga sindikato sa Metro Manila.
Samantala, pinuri ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan si Lacuesta sa mga matagumpay na operation nito laban sa droga.
Ani Malapitan hindi biro ang mga impluwensiya at masamang epekto ng illegal drugs sa bawat indibiduwal kaya dapat lamang na alerto ang mga pulis upang unti-unting masugpo ito. Hangad niya na maging “drug free city” ang Caloocan.
“Lubos po tayong natutuwa sa parangal na natanggap ng CCPS dahil ito po ay nagpapakita ng kanilang walang sawang pagkilos upang labanan ang ilegal na droga sa ating lungsod,” ani Malapitan.
Panawagan ni Malapitan sa mga Batang Kankaloo na makiisa sa mga ginagawang programa ng pamahalaang lungsod at ng CCPS upang tuluyan nating malinis ang mga komunidad at mapangalagaan ang kapakanan ng bawat residente.