MANILA, Philippines — Kinondena ng pamahalaang lungsod ng Makati ang tinawag nilang “puwersahang” tangkang pag-take over ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga pampublikong paaralan ng mga barangay sa Fort Bonifacio na iniutos ng Supreme Court na ilipat ng hurisdiksyon.
Sinabi ni Makati City Administrator Claro Certeza, tinangkang i-take over ng tinawag niyang “enforcers” mula sa Taguig Public Safety Department ang ilang elementary at high school sa mga EMBO barangays mula nitong Biyernes hanggang Sabado nang walang hawak na “writ of execution” o anumang kautusan ng korte.
Tinawag din ni Certeza ang aksyon ng Taguig officials na “act of duplicity” at “bad faith” makaraang humiling na sa kanila ang Taguig na magkaroon ng diskusyon ukol sa maayos na transisyon, na tinugunan na umano nila.
“Makati has already created a transition team headed by the undersigned to sit down with Taguig. We were ready to offer arrangements that would benefit the students. But Taguig apparently was not sincere and was in reality intent on using force,” saad ni Certeza.
Iginiit niya na ang desisyon ng Supreme Court ay ukol sa pagtatalo sa boundary, ngunit hindi umano dito kasama ang paglilipat sa pagmamay-ari ng mga properties na pag-aaari ng City of Makati. Ikinukunsidera nila ang aksyon ng Taguig na isang “criminal act” at plano na maghain ng kaukulang kasong kriminal at administratibo.
Agad namang sumagot ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig na nagsabi na isang “kasinungalingan at desperadong pagtatangka na lituhin ang publiko”, ang mga akusasyon ni Certeza.
Sa kanilang pahayag, makaraan ang desisyon ng Supreme Court, naglabas na ang Department of Education ng Memorandum Order 2023-735 na naglilipat sa pamamahala at superbisyon sa mga apektadong paaralan mula sa DepEd Division of Makati tungo sa Division of Taguig-Pateros.