MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng pulisya ang dalawang lalaki matapos maaktuhang namumutol ng kable ng internet sa Quezon City, kamakalawa.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay nakilalang sina Jayson Romualdo, 42, at Christian Bilason, 28, kapwa residente ng Pook Masagana, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Nabatid na dakong ala-1:45 ng madaling araw nang maaresto ng mga tauhan ng PS-15 ang mga suspek matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen na may namumutol at nagnanakaw ng kable ng internet sa may Faith St., kanto ng Virtue St., Teresa Village, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at inaresto ang mga suspek nang maaktuhang nagpuputol ng kable.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang piraso ng PLDT FSF copper cable 300 pairs x26 gauge x18 meters na nagkakahalaga ng P18,044; plais at isang lagare.
Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10515 o The Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013 sa Quezon City Prosecutor’s Office.