Mayor Joy, regional winner ng Presidential Lingkod Bayan Award
Sa 2023 Search for Outstanding Govt. Workers
MANILA, Philippines — Binigyan ng parangal ng Civil Service Commission (CSC)-National Capital Region (NCR) si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang Regional Winner ng Presidential Lingkod Bayan Award sa 2023 Search for Outstanding Government Workers ng CSC.
Personal na iginawad nina CSC-NCR Acting Director Hans Alcantara at CSC- NCR Dir. Victoria Esber kay Mayor Belmonte ang parangal sa Quezon City hall.
Ang naturang pagkilala ay iginagawad sa mga indibiduwal o grupo na nakatulong sa pambansang lebel sa kanyang pagsisilbi.
Si Mayor Belmonte ay kasama na ngayon sa listahan ng regional winners na pagpipilian ng Office of the President para sa itatanghal na 2023 Presidential Lingkod Bayan (PLB) Awardee.
Nagpasalamat naman si Mayor Belmonte sa nakamit na pagkilala na inialay nito sa lahat ng kawani ng gobyerno na katuwang sa pagseserbisyo sa lungsod.
“Kung hindi sa kanila, hindi natin matatamo ang pagkilalang ito na nagsisilbing patunay na epektibo at kapaki-pakinabang ang ating mga programa’t proyekto sa ating lungsod,”sabi ni Belmonte.
Bukod kay Mayor Belmonte, binigyan din ng certification ang ilan pang opisyal ng QC LGU bilang nominee sa Pagasa Award kabilang sina Chief of Staff Ms. Rowena Macatao, City Administrator Michael Alimurung, Asst. City Administrator Alberto Kimpo, City Engineering Department Head Atty. Dale Perral, Business Permits and Licensing Department Head Ms. Margie Santos, at City Treasurer Mr. Edgar Villanueva.
Kabilang din sa mga nominado ang namayapang traffic enforcer na si Mr. Jeffrey Antolin para sa Outstanding Public Officials and Employees (Dangal ng Bayan) Award.
Nauna nang kinilala ng QC Government si Antolin para sa kanyang kabayanihan matapos niyang ibuwis ang kanyang buhay upang iligtas ang kanyang kapwa.
- Latest