MANILA, Philippines — Namahagi ng tulong-pinansiyal si Manila Mayor Honey Lacuna sa ilang pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap sa Port Area, Manila kamakailan.
Muling nagpaalala si Lacuna sa mga nasunugan na laging unahin ang pagsagip sa sarili nilang buhay at ng kanilang mga mahal sa buhay sa halip na ang kanilang mga ari-arian na mapapalitan, hindi tulad ng mga buhay.
“Walang may kagustuhan na tayo ay masunugan pero katulad ng lahat ng Pilipino, tayong mga Manilenyo ay babangon at babangon, kahit kailan ang mangyayari sa atin at ang inyong pamahalaan ay inyong kaagapay upang makabangon muli,” ani Lacuna.
“Pipilitin naming kayo ay matulungan pa sa mga susunod na araw,” dagdag pa niya.
Ayon kay Manila department of social welfare chief Re Fugoso, may kabuuang 375 pamilya at 14 na ‘unattached’ na indibidwal ang nakatanggap ng tig-P10,000.
Noong nakalipas na linggo nang masunog ang nasa 60 bahay sa Tamburong, Barangay 650, Port Area, Maynila ang natupok ng apoy na tumagal ng limang oras.
Mabilis na kumalat ang apoy sa residential area kung saan gawa sa light materials ang mga bahay.
Walang naiulat na namatay o nasaktan at tinitingnan ng mga imbestigador kung ano ang sanhi ng nasabing sunog.