MMDA tutulong sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga paaralan sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Tutulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga paaralan sa Kamaynilaan sa ilalim ng Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) bago sumapit ang pasukan ng mga mag-aaral.
Sinampolan ng MMDA ang pangunguna sa pagtatanggal ng bara sa mga drainage, pagpipintura sa mga pader, pag-trim sa mga puno, clearing operations sa mga bangketa, pagpintura sa mga pedestrian lanes, misting, pagkumpuni ng mga upuan, pinto, lamesa, blackboards, furnitures at paglalagay ng mga signages na ‘no-smoking at ‘no vaping’ sa Pateros Elementary School sa Brgy. San Pedro, Pateros kahapon.
Ayon sa MMDA Public Information Office, isasagawa ito ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila, depende sa kahilingan ng mga school officials.
Bukod sa mga nabanggit na gawain, magbibigay rin ang MMDA ng ‘traffic management’, magpapadala ng mga ‘transport vehicles,’ at magsasagawa ng ‘emergency quick response’ sa mga paaralan kung kinakailangan.
Lumahok din naman sa Brigada Eskwela ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, napakaimportante na turuan ang mga mag-aaral sa murang edad ng pangangalaga sa kanilang paaralan at pagiging malinis.
- Latest