MANILA, Philippines — Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court ang tatlong aktibista sa kasong ‘illegal possession of firearms and explosives’.
Sa resolusyon na may petsang Hulyo 17, 2023, iniutos ni Manila Regional Trial Court Branch 47 Judge John Benedict Medina na palayain sina Reina Mae Nasino, Ram Carlo Bautista at Alma Moran, dahil sa “insufficiency of evidence.”
Matatandaan na inaresto ang tatlo noong Nobyembre 2019, kung saan buntis noon si Nacino. Nanganak ang babae sa kaniyang selda na pinangalanang ‘River’, ngunit kinalaunan ay nasawi rin nang hindi kapiling ang ina.
Nabatid na ikinunsidera ng korte ang una nilang ruling na nagdismis sa ‘demurer of evidence’ o kakulangan sa ‘prosecution evidence’. Partikular ang magkakasalungat na testimonya ng mga testigo ng prosekusyon at pagkabigo na maiprisinta sa korte ang mga nasamsam na armas.
Ayon naman kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pag-aaralan nila kung ano ang nangyari sa kaso para may basehan sila ng aksyon sa hinaharap, kasabay nangg pagsasabi na inirerespeto nila ang desisyon ng korte.
Nais ni Remulla na malaman kung saan sila nagkamali upang hindi na maulit. Nagpakita umano ito na napakaimportante ng case build-up para maipanalo ang mga hinahawakang kaso.