MANILA, Philippines — Mistulang hindi naramdaman o bigo ang ikinasang tigil-pasada ng grupong Manibela.
Sa Maynila, bigong maparalisa ng grupong lumahok sa welga ang pampublikong transportasyon, ayon sa ulat ng Manila Public Information Office.
“As of 5:00PM, consolidated reports from MTPB (Manila Traffic and Parking Bureau), MDRRMO (Manila Disaster Risk Reduction and Management Office), and MPD (Manila Police District) shows very limited stranded commuters on the first day of the transport strike in the City of Manila,” ayon kay Manila spokesperson, Atty. Princess Abante.
“No heavy traffic reported due to the transport strike as well for today,” dagdag pa niya.
Ito ay makaraang maglabas ng mga behikulo ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila para umalalay sa mga pasahero na mai-stranded sa transport strike. Sinabi ni Abante na lahat ng ‘libreng sakay vehicles’ ay mananatiling naka-standby hanggang sa mga susunod na araw habang hindi ito natatapos.
Samantala, tumutok naman sa pagbabantay ang MPD sa mga kritikal na kalsada bilang pagbabantay sa ikinasang programa ng mga grupo ng transportasyon at para maiwasan ang pamumuwersa sa ibang tsuper na tumigil sa pamamasada.
Partikular na binantayan ng mga pulis ang isinagawang programa ng mga miyembro ng Piston, Manibela, at SABJODA sa pangunguna ni Gilberto Monte sa may kanto ng A. Francisco at Onyx Street sa San Andres Bukid. Tumagal ang kanilang programa hanggang ala-1 ng hapon hanggang sa kusa nang mag-disperse ang mga tsuper na demonstrador.
Halos ganito rin ang nangyari sa iba pang lungsod na iniulat na maging ang inihandang mga libreng sakay ay hindi na rin nagamit dahil mas maraming pampublikong transportasyon ang bumiyahe. Magugunitang hindi lumahok sa tigil pasada ang malalaking transport group na tinaguriang ‘ Magnificent 7’.