MANILA, Philippines — Sisimulan na ng transport group na Manibela (Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers) ngayong Lunes kahit pa may bagyo, ang pagkakasa ng tatlong araw na tigil-pasada, kasabay ng pagdaraos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Nabatid na ang transport strike, na sisimulan sa pamamagitan ng isang martsa malapit sa Commonwealth Avenue ay naglalayong ipakita ang kanilang pagtutol sa PUV modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, sa Metro Manila ay nasa 40,000 tsuper at operators ang lalahok sa tigil-pasada habang 200,000 naman sa buong bansa.
Inaasahang magtatagal ang tigil-pasada hanggang sa Hulyo 25.
Samantala, tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tatapatan nila ng mga libreng sakay ang tigil-pasada ng Manibela.
Una na ring nagdeklara ng suspensiyon ng klase at pasok sa trabaho si Pang. Marcos ngayong Lunes dahil sa tigil-pasada at sa banta ng bagyong Egay na inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan, kasabay ng SONA ng Pangulo.