MANILA, Philippines — Arestado ang isang Chinese habang tinutugis ang dalawa pang kasamahan nito nang ireklamo ng apat na negosyante na kanilang inestafa sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, PCol Salvador S Destura Jr, ang suspek na si Daniel Tek Pua, 67-anyos, residente ng Silvestre Extension, Victoria Homes, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City samantalang manhunt operation naman laban sa kasabwat nito na sina Cathy Tan at Lourdes Velez Tan, kilala rin bilang Maylene Alcantara, 53.
Ang pagkakadakip kay Pua ay bunsod ng reklamo ng mga negosyanteng sina Anna Marie Tapang, 42; Richelda Cerillo, 31; Renante Cruz, 51; at Kay Solomon, 34.
Batay sa imbestigasyon, Hulyo 18 nang umorder sa mga biktima ng kanilang mga kalakal sina Cathy at Lourdes. Nabatid na nag-deliver si Solomon ng 500 sako ng bigas sa isang warehouse na nasa M. Gregorio St., Canumay West; Cerillo ng 10 piraso ng “wall mounted split type airconditioner” at si Tapang 20 water dispenser at 10 desk fan sa LVT Dry Goods Trading na nasa 152 Maysan Road, Barangay Maysan at si Cruz ng 1,500 tray ng itlog sa 92 Z9 G. Marcelo St., Barangay Maysan.
Kuwento ng mga biktima, inisyuhan sila ng tseke ng mga suspek na kapwa tumalbog sa bangko.
Sa follow-up operations ng Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU), nagsagawa sila ng CCTV tracking, at nakita sa footage ang multicab na minamaneho ni Pua patungo sa Jupiter St., Victoria Village, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City.
Napag-alamang dito umuupa si Pua ng isang garahe at dito rin dinala ang mga produktong inorder sa mga biktima. Kaagad tinungo ng pulisya ang lugar at dito na inaresto ng mga pulis si Pua.
Nabawi ang 10 wall mounted split type airconditioner na nagkakahalaga ng P174,995,17 piraso ng water dispenser na nagkakahalaga ng P147,000, apat na desk fan na nagkakahalaga ng P5,800, tatlong firewall cube water purifier at isang water dispenser na may ibang brand. Nabawi naman ang 1,250 tray ng itlog sa isang abandonadong warehouse kung saan ito ay idiniliber.
Tinungo naman ng pulisya ang warehouse na pinagdalhan ng mga sako ng bigas nguni’t ayon sa isang security guard, kinuha na ang mga sako ng bigas kinabukasan nang ideliber ang mga ito at inabandona na aniya ng mga suspek ang lugar.