MANILA, Philippines — Nasa 1,300 kilo o 1.3 toneladang expired na karne ng peking duck at iba pang produkto ang kinumpiska sa magkasanib na pagsalakay ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kasama ang mga tauhan ng Vetirinary Office ng Pasay City local government, sa magkakahiwalay na tindahan sa lungsod ng Pasay, kahapon.
Pawang nakasilid sa mga plastic na may tatak at detalye na hinihinalang Chinese character, kaya’t patuloy pa ang proseso na mai-translate sa wikang maiintindihan ng mga imbestigador.
Ayon kay Mr. Edelito Remalente, market supervisor II ng Pasay Veterinary Office, dakong- alas- 10:00 ng umaga nagsimula ang raid sa mga tindahan na matatagpuan sa Hernandez St. corner Harrison St., Pasay City.
Magkakasanib na sumalakay ang mga kinatawan ng National Meat Inspection Services-Central Office, NMIS-National Capital Region, Department of Agriculture, Pasay Veterinary Office at Pasay Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Sinabi ni Remalente na for further investigation pa ang mga nakumpiska at hindi pa matiyak kung magkano ang kabuuang halaga dahil sa patuloy pa ang translation sa mga nakasulat na detalye sa mga nakumpiskang produkto.
Pinaniniwalaang pawang mga expired ang mga produkto bukod pa sa walang kaukulang dokumento ng importasyon ang mga ito.
Dadalhin sa Bulacan ang mga nakumpiskang karne para sa ‘rendering’ o gigilingin para gawing ‘feeds’ upang hindi na maibenta at makonsumo ng publiko.
Wala namang naarestong indibidwal o negosyante sa operasyon dahil pawang mga tauhan lamang ang mga nadatnan ng mga awtoridad sa raid.