‘Tigil-pasada ng Manibela, tablado sa ‘Magnificent 7’
MANILA, Philippines — Hindi sasama ang malalaking grupo ng samahan ng mga jeepney operators at drivers o ang tinaguriang ‘Magnificent 7‘ sa ikinakasang 3 araw na tigil-pasada ng grupong Manibela.
Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz na nagsabi na sa kanya ang lider ng pitong malalaking jeepney group sa bansa na hindi sila sasali sa transport strike.
Anya sobrang liit at kakaunti lamang ang bilang ng grupong Manibela na nagbanta ng transport holiday kumpara sa Magnificent 7 na kabibilangan ng FEJODAP, ALTODAP, PISTON, PASANG MASDA, ACTO,STOP and GO at LTOP na may pinaka malaking bilang ng mga miyembro nationwide.
Ayon kay Guadiz tanging grupo lamang ng Manibela ang nagsasabing magsasagawa ng tigil-pasada.
Hindi rin umano sila naniniwala na mapaparalisa nito ang buong Metro Manila at aabot lamang sa 2,000 jeep ang apektado ng transport holiday kasama ang dalawang ruta sa Quezon City partikular ang Balintawak area ang maaaring maapektuhang lugar.
Sinabi ni Guadiz na Metro Manila lamang ang sentro ng tigil-pasada ng Manibela at may konting ka-grupo sa Region 4 pero kakaunti lamang ang bilang nito. Duda rin silang aabot sa 200,000 ang sasama sa strike
Gayunman, nakahanda naman umano ang LTFRB sa bantang transport holiday at may mga naihanda na silang contingency measures dito tulad ng pagdedeploy ng rescue buses kasama ang LTO at pagtatalaga ng maintenance group para sa pagkakaroon ng matahimik na pagkilos ng mga magtitigil pasada.
Una nang sinabi ni Guadiz na maaaring suspendihin at kanselahin ang prangkisa ng sinumang passenger jeep na sasali sa tigil -pasada pero bibigyan anya ang mga ito ng pagkakataon na magpaliwanag at kapag hindi sila nakumbinsi sa paliwanag ay agad nila itong parurusahan dahil sa paglabag sa LTFRB policies.
Ang tatlong araw na transport strike na ikinasa na ng grupong Manibela ay magsisimula sa July 24, kasabay ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos hanggang July 26 na naglalayong tutulan at kondenahin ang pagpupursigi ng pamahalaan na maipatupad ang PUV modernization program ng pamahalaan.
Ang modernization program ang magwawalis sa mga traditional jeep sa mga lansangan dahil papalitan sila ng mga modern jeepney.
- Latest