MANILA, Philippines — Sasalubong ngayong Martes sa mga motorista ang malaking pagtaas sa presyo ng petrolyo makaraan ang maliliit na rolbak na ipinatupad noong mga nakaraang linggo.
Unang nag-abiso ang Caltex dakong alas-12:01 ng kanilang price hike. Itataas nila ang presyo ng gasolina sa P1.90 kada litro, P2.10 sa kada litro ng diesel at P1.80 sa kada litro ng kerosene.
Kaparehong presyo rin ng pagtataas ang ipatutupad ng Shell at Seaoil dakong alas-6 ng umaga.
Alas-6 ng umaga magtataas ng kanilang gasolina at diesel sa parehong halaga ang PTT habang alas-4 ng hapon naman ang Cleanfuel.
Ang pare-parehong halaga ng pagtataas ay sa kabila ng ipinatutupad na Oil Deregulation Law na nilikha umano para magkaroon ng kumpetisyon sa mga oil players sa bansa.
Una nang inabiso ng Department of Energy (DOE) ang naturang malakihang pagtataas.
Sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na dulot ito ng pagtaas sa presyo ng langis sa internasyunal na merkado dahil banta sa pagtapyas ng Saudi Arabia ng sa produksyon na aabot sa isang milyong bariles kada araw ngayong buwan.
Nakikita umano ng merkado na tutuparin ng Saudi ang kanilang pangako sa pagbabawas ng produksyon. — Angie dela Cruz