4 na dayuhan na bumastos sa watawat ng Pilipinas, nagalit dahil sa trapik
MANILA, Philippines — Dahil sa pagkaburyong makaraang maipit sa mabigat na trapiko kaya nagawa ng apat na inarestong dayuhan na bastusin at sirain ang bandila ng Pilipinas sa Ternate, Cavite, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na ito ang resulta ng pagtatanong nila sa apat na dayuhan na tatlong Pakistani at isang Romanian.
Inaresto sila ng mga tauhan ng Ternate Police Station nitong nakaraang Hunyo 26 makaraang mahuli sa akto ng isang miyembro ng Philippine Marine na hinila, pinunit at inihagis ang bandila ng bansa na malinaw na paglabag sa Republic Act 8491 o ang as “The Flag and Heraldic Code of the Philippines”.
“This is really ridiculous...Na-traffic daw sila on their way to a resort. Nadaanan nila yung flag sa kampo at ‘yun ang pinagdiskitahan nila,” saad ni Sandoval.
Mayroon namang tamang visa ang apat na dayuhan ngunit iginiit ni Sandoval na hindi nito binibigyan ng permiso ang mga dayuhan na gawin na lamang basta ang naisin nila sa loob ng bansa.
Ipinasa na ng pulisya sa kustodiya ng BI ang mga dayuhan na nakaditine sa BI Custodial Jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inumpisahan na ang deportation proceedings at blacklisting laban sa kanila.
- Latest