POGO operations 'banned' na sa Valenzuela; sugal lalong hinigpitan
MANILA, Philippines — Tuluyan nang ipagbabawal ng pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang pagpapatakbo ng kontrobersyal na mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ito habang lalong nililimitahan ang operasyon ng mga sugal.
Ito ang ibinahagi ni Valenzuela Mayor Weslie Gatchalian, Martes, sa isang press briefing matapos magpasa ng hiwa-hiwalay na ordinansa laban sa POGOs at gambling.
"Hindi isang ordinance ho ang ating pinasa at pinopromote, kundi tatlong ordinance ito. First is Ordinance No. 1105 disallowing POGOs within the territorial jurisdiction of Valenzuela City," ani Gatchalian kanina.
"Inuunahan ko bago pa dumating dito sa Valenzuela. Ayaw ko na pong dumating pa 'yung punto na yun na ito pong mga isyu ng POGO ay darating din sa aming lungsod."
Matagal nang iniuugnay ng ilan ang POGOs, o yaong online gambling firms sa Pilipinas na nagsisilbi para sa mga customers sa ibang bansa, sa iba't ibang krimen gaya ng human trafficking. Ani Gatchalian, minsa'y nauuwi pa raw ito sa money laundering, kidnapping, prostitusyon atbp.
Kamakailan lang nang mailigtas ng Philippine National Police ang 1,192 foreigners at 1,525 Pilipino sa isang diumano'y POGO hub sa Las Piñas kung saan hinihinalang sapilitang pinagtratrabaho ang mga nabanggit sa "cyber fraud."
Bukod pa rito, ipinasa rin ang Ordinance 2023-093 na pansamantalang magbabawal sa bagong aplikasyon para sa small town lottery, e-games, e-sabong, e-bingo, online poker, atbp.
Ipinasa rin ang Ordinance 2023-092 na siyang pipigil sa anumang illegal gambling sa kabuuang jurisdiction ng Valenzuela. Kasama na rito ang "kara krus," "ending," "video karera," "game fixing," sports betting, atbp.
"Here in Valenzuela, regardless of what programs, we always put into consideration the social and moral impact in the community," dagdag pa ni Gatchalian.
"Matagal na hong kultura rito sa Valenzuela na kapag nakakita po kayo ng patay, wala ho kayong makikitang saklaan dito. Ang ginawa na lang po ng Lungsod ng Valenzuela, kung anuman po ang kontribusyon na ibinibigay ng operator sa pamilya [na namatayan], tinapatan na lang ho namin."
Paliwanag ni Konsehal Ricar Enriquez, may kaukulang parusa ang mga mahuhuling nagsasagawa ng mga nasabing iligal na sugal sa ilalim ng Ordinance 1105.
Mapapatawan ng mga sumusunod na multa ang mga lumalabag: P200,000 para sa unang paglabag, P300,000 sa ikalawang paglabag at P500,000 sa ikatlong paglabag.
"Aside from the administrative penalty... we can file a criminal case against them. Under the ordinance, nakasulat po doon na ang penalty ay imprisonment not exceeding one year and a maximum fine not exceeding P5,000," ani Enriquez.
"Kasi 'yun lang po ang kapangyarihang ng Sangguniang Panlungsod. So minaximum na po namin 'yung ibinibigay ho sa aming [kapangyarihan] ng local government code."
Una nang ipinanawagan ng mga mambabatas ang tuluyang pagbabawal sa POGOs sa bansa gaya na lang nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Sen. Grace Poe, Sen. Sherwin Gatchalian — kapatid ng alkalde ng Valenzuela —at Sen. Risa Hontiveros.
Una nang sinabi ni Sen. Gatchalian na nasa 58% ng mga krimeng kaugnay ng POGOs ay human trafficking cases batay sa datos ng National Bureau of Investigation.
- Latest