MANILA, Philippines — Nakalaya mula sa kustodiya ng pulisya ang actress-comedienne na si Awra Briguela na inaresto kaugnay sa patung-patong na kasong inihain laban sa kaniya noong nakalipas na Biyernes, sa isang bar sa Poblacion, Makati City.
Naglagak ng piyansang P6,000, gabi ng Biyernes (Hunyo 30) si Briguela na may tunay na pangalang Mcneal Briguela, 19-anyos, at pinagkalooban ng release order ni Executive Judge Gina Bibat-Palamos ng Makati Regional Trial Court mula sa kinakaharap nitong mga kasong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Huwebes ng umaga nang makulong si Briguela dahil sa reklamo ng kustomer ng Bolt Hole Bar na si Mark Christian Ravana, kaugnay sa nilikhang komosyon ni Briguela na nag-ugat sa pamimilit umanong ipatanggal ang pantalon nito.
May kaniya-kaniyang bersyon ang magkabilang kampo, na ang alegasyon ng kampo ni Ravana ay kinontra naman ng mga kaibigan ni Briguela na hinihipuan umano ito.
Gayunman, ang closed circuit television (CCTV) footage na kumakalat sa social media ang nagpapakita umano ng tunay na pangyayari.