Special Investigation Task Group, binuo sa ambush ng photo journalist  

Natadtad ng tama ng bala ang SUV na sinasakyan ng inambus na photo journalist na si Joshua Abiad na sumasailalim na sa proseso ng SOCO bilang bahagi ng masusing imbestigasyon na isinasagawa ng pulisya.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Bumuo na ang Quezon City Police District (QCPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) upang masusing imbestigahan ang insidente ng pananambang sa pamilya ng isang photo journalist sa harapan ng kanilang tahanan sa Quezon City, kamakalawa.

Nabatid na ang pagbuo ng SITG Abiad ay alinsunod na rin sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief PGEN Benjamin Acorda Jr. na bilisan ang imbestigasyon sa kaso at pagtukoy sa mga salarin sa krimen.

Ayon kay QCPD Director, PBGEN Nicolas Torre III, ma­susi silang mangangalap ng mga ebidensiya upang ma­resolba ang krimen at mapanagot sa batas ang mga salarin.

Sa ulat ng Masambong Police Station (PS 2), naba­tid na pasado alas-3:00 ng hapon nang maganap ang krimen sa Corumi St., kanto ng Gazan St., Brgy. Masambong, Quezon City.

Sakay ang pamilya Abiad ng isang Ford Everest, at pauwi na ng bahay, galing sa isang hotel sa Pasay City, nang bigla na lang silang harangin ng mga suspek na lulan ng isang silver na Toyota Vios.

Kaagad na bumaba ang mga sakay ng kotse at pinaulanan ng bala ang sasakyan, na ikinasugat ng mga biktimang sina Rene Joshua Abiad, 37, photographer ng Remate online; kapatid niyang si Renato Abiad Jr., 41; at dalawang pamangkin na nagkaka-edad lamang ng 4 at 8 taon.

Hindi naman nasugatan ang iba pang sakay ng SUV na sina Cheryl Abiad, 42; Eli­zabeth Abiad, 37, at isang 6- taong paslit.

Nadamay naman at nasugatan rin sa insidente ang bystander na si Jeffrey Ngo Cao, 47, at residente ng Brgy. Apolonio Samson, Quezon City, matapos na tamaan ng ligaw na bala.

Ayon pa sa ulat, nagtamo ng  dalawang tama ng bala ng baril sa braso si  Rene, habang dalawang tama naman ng bala sa ulo at panga ang  tumama kay Renato na nasa kritikal na kondisyon. Kritikal din ang kondisyon ng dalawang paslit na anak ni Renato.

Ayon pa sa pulisya, plaka ng isang Honda Civic ang plakang ginamit sa Toyota Vios ng mga suspect.

Show comments