MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang alegasyon ng mga bilanggo sa Malabon City jail na may ‘bubog’ sa ibinibigay na pagkain ng mga ito.
Sa panayam kay BJMP spokesperson Chief Insp. Jayrex Joseph Bustinera, hindi bubog ang nakikita sa kanin na supply sa mga inmates kundi mga maliliit na bato na kasama sa bigas.
Ayon kay Bustinera, nanggagaling sa National Food Authority (NFA) ang kanilang supply ng bigas upang maiwasan ang anumang anomalya at isyu.
Gayunman, sinabi ni Bustinera na inutos ni BJMP director Chief Supt. Ruel Rivera ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ng mga inmates.
Ani Bustinera kapakanan pa rin ng mga inmates ang prayoridad ng BJMP kaya mananagot ang dapat managot.
Pangungunahan aniya ni BJMP NCRPO director Chief Supt. Efren Nemeño ang pagsisiyasat kung saan posibleng ipatawag ang ilang kinatawan mula sa NFA.
Lumitaw aniya ang isyu na pinapakain ng bubog ang mga inmates kasunod ng noise barrage hinggil sa paglilipat ng magkapatid na sina Anthony at Danilo Francisco na kapwa may kasong illegal drugs at mayores ng grupong “Sputnik” gang. Ang mga ito ay inilipat sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ang paglilipat sa magkapatid ay sa bisa ng court order.