Inmates sa Malabon jail nag-noise barrage, nagwala warden sinibak

Several objects and broken glass are scattered at the gate of Malabon City Jail after some inmates engaged in a noise barrage causing damage to the jail’s window glass on June 23, 2023.
Photos by Ernie Penaredondo/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang warden ng Malabon City Jail (MCJ) matapos ma­bigong mapigilan ang isinagawang noise barrage at pagwawasak ng mga gamit ng mga bilanggo bilang protesta sa paglilipat sa dalawa nilang kasamahan na tumatayong mayores, Biyernes ng hapon.

Ayon kay Chief Insp. Jayrex Bustinera, Spokesperson ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pansamantalang inalis sa puwesto ang warden na si Supt. Joseph Tacdoy.

Samantalang ipinalit naman sa binakante nitong puwesto bilang Officer-in-Charge (OIC) si Chief Insp. Vic Luque habang gumugulong ang isasagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente.

Sa pahayag ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro, nagsimulang maging marahas ang mga bilanggo alas-4:30 ng hapon nang ilabas mula sa pasilidad ang magkapatid na Anthony at Danilo Francisco na kapwa nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nabatid na ang magkapatid ang tumatayong mayores sa mga selda ng grupong “Sputnik” gang. Ang mga ito ay inilipat sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay Daro, inilipat patungong Bicutan ang magkapatid matapos maglabas ng ‘commitment order’ ang Malabon City Regional Trial Court (RTC) sa kanilang pag­lilipat sa MMDJ na mariing tinutulan ng mga inmates.

Dahil dito, nagsagawa ng noise barrage at binasag ang mga salaming bintana sa pasilidad at ikinulong pa ang limang jail officers na ligtas namang nakalabas matapos ang kaguluhan.

Nagtungo naman sa lugar si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval upang alamin ang sitwasyon at gumawa ng kaukulang hakbang para matulungang resolbahin ang problema ng mga PDL.

Samantalang bunga ng insidente, napasugod din ang mga kaanak ng mga PDLs na nangamba sa magulong sitwasyon.

Bukod  sa hirit na alisin sa puwesto ang warden at lima pang opisyal na nakatalaga sa MCJ, inireklamo rin ng mga PDLs ang umano’y hindi makataong pagtrato sa kanila at hindi anila makain  na iniluluto umanong pagkain para sa kanila.

Wala namang PDL na nagtangkang tumakas makaraang magtalaga ng sapat na puwersa ng kapulisan si Col. Daro sa paligid ng MCJ para tumulong sa mga miyembro ng BJMP na magbantay ng seguridad sa pa­ligid . Bandang alas-7:30 ng gabi nitong Biyernes nang magbalik na sa normal ang sitwasyon sa nasabing jail facility.

Show comments