MANILA, Philippines — Nasa 60 o higit pang bata na may “cleft lip” ang nakatakdang operahan ng libre sa Sta. Ana Hospital sa Maynila sa ilalim ng “Cleft Surgery Mission 2023” ng Rotary Club of Manila.
Katuwang ang ‘Operation Smile’ at Sta. Ana Hospital, inanyayahan ni Rotary Manila President Herminio S. Esguerra ang mga magulang na may anak na may problema sa cleft lip, na magparehistro sa Sta. Ana Hospital upang makasama sa mga benepisyaryo.
Ang cleft lip o iba pang palate deformities ay karaniwang mga “birth defect”. Sa Pilipinas, isang sanggol sa 500 bagong panganak ang apektado nito.
“Ang kundisyon na ito ay nakakaapekto sa hitsura, pagsasalita, pandinig, at kakayahan sa pagkain ng apektadong indibidwal, at may malaking epekto sa kalidad ng pamumuhay,” ayon kay Esguerra.
“This project aims to provide life changing cleft lip/palate surgery in Manila for 60 young people,” dagdag niya.
Kasama ng Rotary Club ang Operation Smile, isang internasyunal na organisasyon na nagbibigay ng operasyon sa mga batang may cleft lip at palate deformities. Nakikipag-partner ito sa mga lokal na ospital para magbigay ng serbisyong medikal mula sa ebalwasyon, aktuwal na operasyon hanggang follow-up care sa mga pasyente.
Sinabi ni Emiliano Romano, executive director ng Operation Smile, na bukod sa Maynila, magpapatuloy ang kanilang serbisyo sa pag-iikot sa ibang parte ng bansa.
Idinagdag niya na hindi lang pasyente ang turing nila sa kanila ngunit kapamilya. Matapos ang operasyon, patuloy ang pagbibigay nila ng suporta sa kanila hanggang sa magkaroon ng maayos na buhay. Marami sa mga dati nilang pasyente ay may maaayos na trabaho na habang ang ilan ay naging mga singer pa.