MANILA, Philippines — Nasagip at napauwi na ng Pilipinas ang tatlong biktima ng sindikato ng trafficking, kabilang ang isang vlogger, nang mahikayat silang magtrabaho sa Myanmar bilang call center agents ngunit ginawa silang mga online scammers, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Hunyo 15 ang mga biktima na may edad 20 hanggang 30 taong gulang, ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Isa sa kanila ay vlogger na may mahigit 10,000 followers sa kaniyang account.
Nabatid na umalis nitong Abril 2023 ang tatlo na nagpanggap na mga turista patungo ng Singapore. Sa kabilang pagbabalik, inamin ng tatlo na na-recruit sila para magtrabaho sa call center sa Thailand, ngunit dinala sila sa Yangon, Myanmar para magtrabaho sa call center scam office.
“Huwag matigas ang ulo, napakarami nang nabiktima, paulit-ulit na ang mga nangyayari sa kanila,” giit ni Tansingco sa mga ‘young professional’ na nae-engganyo na magtrabaho sa ibang bansa.
Tinulungan ang tatlong biktima ng NAIA Task Force against Trafficking, the National Bureau of Investigation, Overseas Workers Welfare Administration, at ng Department of Migrant Workers.