MANILA, Philippines — Nilamon ng apoy ang isang cold storage facility sa Lungsod ng Navotas matapos tumagas ang ammonia mula sa naturang planta, dahilan para bawian ng buhay ang isang binatilyo at isugod sa ospital ang marami pang iba.
Lunes ng gabi bandang 11:30 p.m. nang sumingaw ang nakahihilong gas sa COL kaugnay ng insidente na siyang nagpalikas sa mga residente.
Ang lalaking nasawi na nakalanghap ng ammonia, sinasabing kakauwi lang mula ospital bago ang pangyayari.
"May sakit po talaga 'yon. Kaso lang po, [noong] nagkaroon po ng leak, parang mas lalo siyang nahirapang makahinga kaya isinuogod namin at hinarang 'yong ambulansya rito," ani Perlita Gilbuena, pinsan ng biktima, sa panayam ng News5.
Nasa 23 residente ang naiulat na nagpapagaling ngayon sa ospital matapos ring mahirapang huminga dahil sa tumagas na kemikal mula sa planta.
"Gumagamit po sila ng ammonia as a refrigerant o 'yun pong nagke-create po nang malamig na environment para po sa cold storage," wika ni Vonne Villanueva, head ng Navotas City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
"'Yun pong isang makina nila kung saan po dumadaan 'yung ammonia ay sumabog, na nag-cause po ng ammonia leak."
Apoy matapos ang leak
Sinundan naman ng malakas na sunog ang pagsingaw ng nakakasulasok na amoy ng ammonia na siyang tumupok din sa parehong gusali ng cold storage facility.
Kinailangan pang isara ng mga bumbero ang pinanggagalingan ng gas habang sinusubukang patayin ang apoy.
"Nagkaroon tayo ng evacuation muna... Just a few meters away, about three to five meters, nandoon 'yung sunog natin," ani Navotas City Fire Marshal F/Supt. Jude delos Reyes.
"So we have to do it in a way na 'yung iba ay nagpro-protect doon sa magma-manage ng leak."
Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa dulot ng apoy. Idineklarang "fire out" sa lugar bandang 2:15 a.m. ngayong Martes.
Ano ang dapat gawin pag may 'ammonia leak'?
Nagbigay naman ng payo ang Department of Health (DOH) kung ano ang maaaring gawin upang matulungan ang mga taong makalalanghap ng maraming gas o vapors ng ammonia.
Aniya, mainam na first aid ang agarang pagbanlaw ng balat at mata nang maraming malinis na tubig.
Kabilang sa mga treatment na ginagawa sa ganitong sitwasyon ang supportive measures gaya ng pagbibigay ng oxygen, bronchodilators at airway management.
Ang mataas na exposure sa ammonia ay posibleng makairita sa balat, mata, lalamunan at baga na posibleng magdulot ng pag-ubo at burns.
"Kasama sa ating eight-point action agenda ang maging handa sa krisis. I wish to thank our healthcare system partners - local government unit EMS, the hospitals, our Bureau of Fire Protection, and all who worked together to avert what could have been a disaster," ani Health Secretary Ted Herbosa.