MANILA, Philippines — Kulang sa mga tauhan, CCTV camera at espasyo sa ilang istasyon ng pulisya sa Southern Police District (SPD) ang nakitang kakulangan matapos ang isinagawang sorpresang inspeksyon ni National Capital Police Office (NCRPO) chief Major General Edgar Alan Okubo,nitong Biyernes ng gabi.
Partikular na tinukoy ni Okubo na ang ilang presinto sa Taguig, Makati, Pasay at Parañaque, na pawang may mga pagkukulang alinsunod sa mga pamantayan ng Philippine National Police (PNP).
Binanggit ni Okubo sa mga naikutang mga presinto ay kulang sa tauhan, tulad ng Taguig kung saan 4 lamang ang naka-duty sa gabi. Makukuha niya ang atensyon ng station commander sa kaganapang ito.
Sa Bangkal police station sa Makati, nagawa nitong sumunod sa deployment ng isang babaeng customer relations officer ngunit walang CCTV ang kanilang detention center.
Sa Pasay, napansin ni Okubo na walang suot na uniporme ang mga tauhan. Pero nang sabihing galing sila sa SOCO (Scene of Crime Operations), sinabi ng heneral na ipapatawag sila at hihingi ng paliwanag kung bakit hindi sila naka-uniporme.
Siksikan naman aniya, ang detention facility ng substation 6 sa Malibay, Pasay, bukod sa walang CCTV.
“These are problems of our lapses in temporary detention cells which we’ll try to address also to be given more spacious four in the substation that can put 6 or more,” ani Okubo.
Pinuri niya ang Substation 1 ng Baclaran sa Parañaque na may CCTV sa detention center.
Ayon pa kay Okubo, kulang ang pulis sa Metro Manila kaya dapat na maayos ang deployment ng mga tauhan.
Dahil dito, hanggang 2 na lang aniya ang tinatanggap na bilang ng mga pulis na naiwan sa substation.