MANILA, Philippines — Patay ang isang 39-anyos na babae nang pagbabarilin ng ilang beses nang kausap na lalaki, habang ang dalawa pang residente ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala kahapon ng umaga sa Isla Puting bato, Break Water, sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang nasawi na si Marian Silleza Escanilla, walang trabaho at residente ng Gate 14, Barangay 275, Binondo.
Kapwa naman ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang dalawang nasugatan na sina Ariel Layam, 43; vendor; at Jojo Aberte, 44, karpintero. Sila ay kapwa residente ng Purok 3 Isla Puting Bato.
Suspek sa pamamaril ang isang Rafael Nepya alyas Raffy.
Sa inisyal na ulat ni P/Corporal Gary Reyes kay Manila Police District-Homicide chief, P/Captain Dennis Turla, dakong alas-9:45 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa eskinita ng Purok 3, sa Isla Puting Bato, sakop ng MPD-Station 12.
Narekober sa crime scene ang 5 basyo ng bala, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Police Station 5, na pinangunahan ni P/Lt. Colonel Cristito Acohon, nadatnan nila ang biktima sa crime scene na nakahiga sa kalye at tadtad ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa salaysay ng testigo, nakita umano niyang nakikipag-usap sa isang lalaki ang biktima hanggang sa marinig na ang sunud-sunod na putok ng baril.
Mabilis din umanong tumakas ang salarin.
Mabilis din namang isinugod sa pagamutan ang dalawang sugatan na tinamaan ng ligaw na bala.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen, habang patuloy pa rin iniimbestigahan ang insidente.