Inilibing sa bakanteng lote sa Caloocan
MANILA, Philippines — Nahukay sa isang bakanteng lote sa Caloocan City ang bangkay ng isang babae na pinatay ng kanyang nobyo dahil sa matinding selos.
Sa loob ng subdivision sa Barangay 171, North Caloocan, tinungo ng mga awtoridad ang isang bakanteng lote at doon nahukay ang mga labi ng biktimang si Arjean Cabangunay, 21, ng Balong Bato, Quezon City.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang nobyong suspek na si Jeffrey Montales.
Ipinagtapat ng suspek, na Linggo nang mapatay niya ang katipan ngunit nito lamang Martes niya inilibing sa Brgy. 171, Bagombong, Caloocan.
Nabuking ang krimen ng suspek matapos mabasa ng mga kaanak ng biktima ang mga mensahe nito na magkikita sila ng nobyo.
Nabatid na may ka-chat umano si Cabangunay na pinagseselosan ni Montales na siyang nagtulak sa kanya para sakalin at mapatay ng nobya.
Sinabi ni PMaj. Jose Hizon, commander ng Caloocan City police substation 9, gusto nang humiwalay ng biktima sa suspek na humantong sa pagtatalo hanggang sa mapatay ng huli ang una.
Aminado naman ang suspek na nagawa niya ang krimen dahil sa matinding pagseselos.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek.