MMC president, sinuportahan ang panawagang maibalik ang NCAP
MANILA, Philippines — Suportado ni San Juan City Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), ang panawagang alisin na ang suspensiyon sa Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ang pahayag ay ginawa ni Zamora matapos sabihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kamakalawa na maghahain sila ng mosyon sa Korte Suprema upang ikonsidera ang pag-aalis ng temporary restraining order (TRO) sa implementasyon ng NCAP, bunsod na rin nang tumataas na bilang ng traffic violations.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Zamora na naniniwala siyang makatutulong ang NCAP upang matugunan ang mga problema sa paglabag sa batas-trapiko sa National Capital Region (NCR).
Simula umano nang masuspinde ang NCAP ay muling dumami ang mga naitatalang traffic violations sa NCR.
Tinukoy pa niya ang inilabas na datos ng MMDA na nagpapakita na ang mga paglabag sa batas-trapiko ay tumalon mula sa 22,736 noong Setyembre at naging 32,739 hanggang noong Mayo, 2023.
“If you ask me, given the four years that I’ve been a mayor, we really cannot have traffic enforcers all over the city of San Juan, more so all over the entire Metro Manila. So having the NCAP really helps in deterring traffic violators from committing these traffic violations,” dagdag pa niya.
Matatandaang sinuspinde ng Korte Suprema ang NCAP, sa pamamagitan nang inilabas ng temporary restraining order (TRO) noong Agosto 2022.
- Latest