MANILA, Philippines — Tumugma umano sa apat na suspek sa Degamo slay ang DNA samples na nakuha sa crime scene sa naganap na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, noong nakalipas na Marso, ayon sa abogadong si Atty. Levito Baligod kahapon.
Ayon sa abogado, tumugma ang DNA samples sa mga suspek na sina Eulogia Gonyon Jr., Winrich Isturis, Osmundo Rivero, at Rogelio Antipolo Jr.
Sinabi ito ni Baligod kasabay sa unang preliminary investigation na ikinasa ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong murder at frustrated murder laban kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. kahapon.
Nakuha umano ng mga imbestigador ang mga specimen sa behikulo na ginamit ng mga namaril at sa mga bakas ng dugo na naiwan sa compound ni Governor Degamo. Isinumite ito ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ panel bilang ebidensya.
Dahil sa ebidensyang ito, sinabi ni Baligod na kahit mag-recant sa kanilang testimonya ang mga suspek, matagumpay pa rin nilang mapapatunayan ang kanilang mga pagkakasala.
Bukod kay Teves, kasama rin sa mga inaakusahan sina Angelo Palagtiw, Neil Andrew Go, Capt. Lloyd Cruz Garcia. Nigel Electona, at isang alyas “Gee-Ann, Jie-An”.
Idinagdag pa nito na hindi naman sinamahan ang mga suspek ng kanilang mga abogado na siyang tumulong sa kanila na bumaligtad sa kanilang testimonya. Sa halip, mga abogado pa rin ng Public Attorney’s Office ang nagrepresenta sa kanila.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakaharap ni Pamplona Mayor Janice Degamo ang mga akusado, mula nang bumaligtad sila sa kanilang affidavit.