Kaugnay sa P6.7 bilyong drug haul
MANILA, Philippines — Nasa 50 aktibong pulis ang sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal sa Office of Ombudsman kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa cover-up sa P6.7-bilyong drug bust noong Oktubre 2022.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., na siya ring chairman ng National Police Commission (Napolcom), sinampahan ng PNP at Napolcom ng mga kaso noong Biyernes ang mga naturang pulis dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o The Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; Revised Penal Code, partikular sa Article 171 na may kinalaman sa Falsification, Article 183 sa Perjury, Article 184 sa False Testimony at Article 217 para sa Malversation of Public Property; at Presidential Decree No. 1829 o Obstruction of Justice.
“Noong nakaraang Biyernes, ang Napolcom at PNP ay nagsampa na ng kasong kriminal sa Office of the Ombudsman o tinatawag nating MOLEO (Military and Other Law Enforcement Offices) laban sa 50 respondents,” ani Abalos, sa isang pulong balitaan sa DILG main office sa Quezon City.
Kabilang sa kinasuhan ang 12 police commissioned officers na sina PLTGEN Benjamin Santos Jr., dating deputy chief for operation PBGen. Narciso Domingo, dating PDEG chief, PCOL Julian Olonan, PLTCOL Arnulfo Ibanez. PLTCOL Glen Gonzales, PMAJ Michael Salmingo, PLT Jonathan Sosongco, PLTCOL Dhefrey Punzalan, PLT Jefrrey Padilla, PLT Randolph Pinon, PLT Silverio Bulleser II at PLT Ashrap Amerol.
Ayon kay Abalos bukod sa kasong kriminal, nahaharap din umano ang mga pulis sa administrative proceedings.
Ipinaliwanag ni Abalos na ang pagsasampa ng kaso ay nag-ugat sa imbestigasyon na isinagawa ng Napolcom at ng Special Investigation Task Group (SITG) ng PNP sa 990-kg shabu haul na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Paliwanag niya, ang “pre-charge investigation” ay kahalintulad ng preliminary investigation sa ilalim ng piskal. Paglilinaw pa ni Abalos, ang mga naturang kasong kriminal ay inihain sa Office of the Ombudsman habang nagpapatuloy naman ang proceedings sa administrative cases.