MANILA, Philippines — Magpapakalat ng 22,081 tauhan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para masiguro ang kapayapaan sa gaganaping ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24.
Sinabi ni NCRPO chief, P/Major General Edgar Alan Okubo, ang itinalagang commander on the ground ni PNP chief General Benjamin Acorda Jr., na nasa kabuuang 22,081 tauhan, 17, 121 ang magmumula sa limang distrito ng NCRPO; 4,460 mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang NCRPO Regional Support Units, Aviation Security Group, Special Action Force, Joint Task Force NCR, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Office of the Civil Defense, Department of Health, Metropolitan Manila Development Authority, at Philippine Red Cross.
Sinabi ni Okubo na 4,405 mula sa Reactionary Standby Support Force, ay magsisilbing augmentation/strike force na handang magbigay ng karagdagang pwersa kung kinakailangan.
Idinagdag niya na ang Batasang Pambansa sa Quezon City kung saan gaganapin ang SONA 2023 ay pangunahing bibigyan ng pansin para sa seguridad habang ang 31 border control points ay ilalagay sa mga tinukoy na lugar na papasok at lalabas sa Metro Manila.