MANILA, Philippines — Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ni dating Quezon City mayor Herbert Bautista na i-dismiss ang kinakaharap na kasong graft, kaugnay ng umano’y maanomalyang solar power system at waterproofing project noong 2019 na nagkakahalaga ng P25.342 milyon.
Batay sa 18-pahinang resolusyon na inilabas kahapon, ibinasura ng Third Division ng Sandiganbayan dahil sa kawalan ng merito ang motion to quash the case information o charge sheet na isinumite ni Bautista, at humihiling na i-dismiss ang inihaing kasong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o The Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa kanya.
Nabatid na walang nakitang merito ang ikatlong dibisyon sa pahayag ni Bautista na nalabag ng Office of the Ombudsman ang kanyang constitutional right to speedy disposition of cases, nang abutin ng tatlong taon bago matapos ang imbestigasyon nito at isampa ang kaso sa hukuman.
Anang dibisyon, “We find that a period of three years was a reasonable time to afford the investigating prosecutor the opportunity to carefully evaluate the complaint and its supporting documents...Moreso, accused-movant Bautista failed to adequately demonstrate how the purported delay caused him prejudice as he solely focused on the length of time taken by the preliminary investigation.”
Tinukoy din naman ng hukuman ang serye ng lockdowns na ipinatupad ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19 na maaaring nakaapekto sa imbestigasyon. “Herein, the circumstances do not evince vexatious, capricious and oppressive delay in the conduct of preliminary investigation,” anang hukuman.
Idinagdag pa ng hukuman na ang iba pang argumento na tinukoy ni Bautista sa kanyang mosyon, gaya ng kawalan ng ‘bad faith’ o malisya sa pag-apruba sa paglalabas ng kabayaran para sa proyekto at ang umano’y kawalan ng iregularidad sa proseso ng bidding at procurement, ay pawang depensa na nangangailangan ng presentasyon ng ebidensiya na akma sa isang full-blown trial.
Ang resolusyon ay iniakda ni Associate Justice Bernelito Fernandez na may pag-sang-ayon nina Associate Justice Ronald Moreno at Sandiganbayan Presiding Justice at Third Division chairperson Amparo Cabotaje-Tang. Nag-ugat ang kaso sa pagbabayad ng P25.342 milyon sa Cygnet Energy Power Asia Inc. (Cygnet) para sa umano’y maanomalyang instalasyon ng solar power system at waterproofing works sa Civic Center Building ng city hall.