Sunog sa Manila Central Post Office, dahil sa sumabog na baterya ng sasakyan
Case closed na! - BFP
MANILA, Philippines — Aksidente lamang umano ang sunog na tumupok sa Manila Central Post Office sa Lawton, Maynila noong nakaraang buwan.
Ito ang naging resulta nang isinagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), na nagsabing ang apoy ay nagmula sa sumabog na baterya ng sasakyan na na-discharged at nag-init hanggang sa tuluyang magliyab at tumupok sa mga nakapaligid ditong combustible materials na nasa Mega Manila Storage Room.
Anang BFP, kabilang sa mga gamit na naka-imbak sa naturang silid ay mga office supplies, thinner, at pintura.
Kaugnay nito, sinabi ng BFP na itinuturing nila sa ngayong sarado na ang imbestigasyon sa sunog sa post office.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni PHLPost Postmaster General Luis Carlos na tinatanggap nila ang resulta ng imbestigasyon ng BFP.
Sa ngayon aniya ay magpopokus na lamang sila sa recovery at rehabilitasyon ng nasunog na makasaysayang gusali.
Matatandaang Mayo 21 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa gusali.
Nagsimula ito sa basement at mabilis na tumupok sa buong gusali.
Inabot ng general alarm ang sunog bago tuluyang naapula matapos ang 31-oras.
Nasa 18 katao, na karamihan ay nga bumbero, ang nasugatan dahil sa sunog.
Sa pagtaya ng BFP, aabot sa 300 milyon ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
Dahil sa resultang ito, ikinukunsidera ng BFP na “case closed” na ang kaso sa pagkasunog ng 97-taong gulang na gusali. — Danilo Garcia
- Latest